Nabulabog ang mga mamimili at dumaraan sa kahabaan ng N. Domingo street sa Agora market San Juan City matapos na paghinalaang bomba ang laman ng isang iniwang bag dakong alas diyes ng umaga, kanina.
Isinara ang magkakahilerang fast food restaurant na nasa gusali ng Puregold supermarket at naglabasan ang mga empleyado ng mga establisyemento dahil sa takot.
Sa imbestigasyon lumalabas na napansin ng isang parking attendant ang kahina-hinalang bag na iniwan malapit sa pintuan ng isang fast food restaurant.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PNP Explosive and Ordnance Division, K9 unit at BFP San Juan at isinara sa daloy ng trapiko ang bahagi ng N. Domingo street.
Pinasabog ng Explosive Ordnance Disposal ang naturang bag at nadiskubre na ito ay naglalaman ng mga swelas ng sapatos, mga papel at plastic na nakalagay sa loob ng itim at gray na backpack.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng bag.