Babalikatin ng Sanofi Pasteur ang halos 32 milyong pisong na ilalabas ng PhilHealth para sa posibleng pagpapa-ospital dahil sa bakunang dengvaxia.
Ipinabatid ito ni Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa rate package para sa dengue ng PhilHealth na P8,000.00 hanggang P16,000.00 sa tinatayang 2,000 kaso.
Kasabay nito, sinabi ni Duque na hindi kaagad makasagot ang Sanofi para akuin ang gastusin sa mga nasabing kaso dahil tila pag – amin ito na may mali sila sa pagpapalabas ng dengvaxia.
Hihilingin din aniya nila sa Sanofi na maibalik sa Department of Health (DOH) ang halaga ng hawak pa nilang dengvaxia, depende sa kalatas na ipapalabas ng World Health Organization (WHO) at mga eksperto na nagbubusisi sa anti -dengue program.
Mga nawalang dengue immunization card papalitan ng DOH
Papalitan ng DOH ang mga nawalang dengue immunization card o rekord kung ilang beses nang nabakunahan ng dengvaxia ang isang bata.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, makakatulong ang card para masubaybayan nila sa susunod na apat na taon ang mga estudyanteng nabakunahan ng dengvaxia bilang bahagi nang sinuspinding dengue immunization program.
Posible aniyang nawala na ang mga naunang naisyung immunization cards kaya’t magpapalabas na lamang sila ng bago para hindi na magkalituhan.
Sinabi ni Duque na ididikit sa School ID’s ng mga batang nabakunahan ng dengvaxia ang naturang immunization cards.