Minaliit ng Malacañang ang pagpapasaklolo ng mga taga oposisyon sa Korte Suprema para pigilan ang pagpapatupad ng isang taong pagapapalawig ng batas militar sa Mindanao.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi Presidential Spokesman Harry Roque na tiwala naman silang ibabasura din ng Korte Suprema ang mga mosyong inihain nina Albay Representative Edcel Lagman at iba pa.
Binigyang diin ni Roque na walang paglabag sa Saligang Batas ang naturang martial law extension.
Ang kapangyarihan ng martial law ay kapangyarihan ng presidente, nagkaroon lang tayo ng safeguard. Ang Kongreso naman, bilang isang political branch ng government ay binigyan na ng basbas ‘yung extension ng martial law. Kaya hindi ko maisip kung paano mababago ang ganyang mandato ng Supreme Court sa extension ng martial law. Pahayag ni Roque
Samantala, ipinabatid din ni Roque na nananatiling committed ang Pangulong Duterte sa pagkakaroon ng BBL o Bangsamoro Basic Law.
Itong BBL, talagang pinangako ‘yan ng president sa ating mga kapatid na Muslim bilang isang pamamaraan upang makamit ang mas matagal na kapayapaan sa Mindanao dahil kung walang kapayapaan, hindi naman lalago ang ekonomiya ng Mindanao. Dagdag ni Roque