Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang publiko hinggil sa mga naglipanang kolorum na pampublikong sasakyan ngayong Bagong Taon.
Ayon sa LTFRB, sinasamantala ng mga kolorum ang dagsa ng mga pasahero na uuwi sa mga lalawigan na halos wala nang masakyan dahil sa punuan na ang mga bumibiyaheng bus.
Nagkalat sa paligid ng mga lehitimong terminal ng bus ang mga colorum buses na nag – aalok ng sakay subalit mas mahal ‘di hamak ang sinisingil na pasahe kumpara sa regular na biyahe.
Paalala pa ng LTFRB sa mga pasahero, huwag nang tangkilikin ang mga kolorum dahil bukod sa hindi ito ligtas sakyan, wala ding hahabulin ang mga pasahero sakaling maaksidente ang kanilang sinasakyan.
Matatandaang pinaaga ng LTFRB ang araw ng effectivity ng kanilang mga ibinigay na special permit sa mga bibiyaheng bus ngayong holiday.
Mas maaga ito ng dalawang araw mula sa orihinal na Disyembre 23 hanggang Enero 3.