Humingi na ng paumanhin ang social media star at self-proclaimed “King of Catwalk” ng Pilipinas na si Sinon Loresca o Rogelia sa kinasangkutan niyang gulo sa isang bar sa Ortigas, Pasig City.
Nagkasakitan sina Sinon at dalawa niyang kaibigan habang nasa party, noong Biyernes ng gabi.
Sa Facebook post ng isang Drew Farhad Fernandez, isiniwalat nito ang mga kalmot na inabot niya at ng kanyang kasintahan mula kay Rogelia matapos itong maging bayolente.
Nag-ugat umano ang insidente sa sinasabing pananakit ni loresca sa personal assistant nito na agad nakatawag pansin kina Fernandez na agad sumita sa Eat Bulaga co-host na noo’y tila marami ng nainom na alak.
Gayunman, sa halip na mag-sorry si Sinon ay pinagbalingan nito ang sina Farhad at kasintahan nito at iginiit na walang makapipigil sa kanya anuman ang gawin niya sa kanyang personal assistant. lalo’t isa naman siyang celebrity.
Sa video namang inilabas ni Rogelia sa kanyang social media account kahapon, nilinaw ni sinon na wala siyang karapatang manakit ng tao at ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili laban kina Fernandez at partner nito.