Nilinaw ng Department of Energy o DOE na hindi agad tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pagiging epektibo ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law simula ngayong unang araw ng 2018.
Ayon kay DOE Assistant Secretary Leonido Pulido III, nagpalabas ng abiso ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) sa mga stakeholders na hindi dapat patawan ng bagong excise tax rates ang kanilang mga lumang stocks.
Paliwanag ni Pulido, ipinapataw ang excise tax sa importation at hindi sa point of sale ng mga mamimili.
Gayunman, sinabi ng DOE na ang value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo na nasa ilalim ng train law ay epektibo na ngayong Enero 1.
Samantala, nagpaabiso naman ang DOE sa posibleng paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo dahil sa paggalaw ng presyuhan sa pandaigdigang merkado.
Posibleng P0.15 kada litro ang itaas sa presyo ng gasolina, P0.60 kada litro sa diesel habang P0.55 sentimos kada litro naman sa kerosene.