Asahang magbabalik normal na ang sitwasyon sa Metro Manila partikular na ang mabigat na daloy ng trapiko matapos ang mahabang holiday break.
Ito’y dahil sa inaasahang magsisibalikan na ang mga bakasyunista na piniling mag – Pasko at Bagong Taon sa mga lalawigan upang mamasyal at umuwi sa kani – kanilang mga kamag – anakan.
Sa unang araw pa lamang ng 2018 ay dagsa na ang mga sasakyan sa ilang mga major highway sa bansa tulad ng North Luzon Expressway (NLEX), Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX), Cavite Expressway (CAVITEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Pahirapan din ang pag – uwi ng taga – lalawigan na piniling magpalipas ng Pasko at Bagong Taon sa Maynila pabalik sa kanilang mga lugar.
Pinili na lamang ng ilan na manatili sa mga terminal ng bus para makakuha ng biyahe pauwi sa kanilang mga lalawigan kahit pa may hawak na silang ticket pauwi.
Katuwiran ng mga bus operator, maagang nag – fully booked ang kanilang mga biyahe dahil kasalukuyang bumibiyahe ang kanilang mga bus mula probinsya patungong Maynila.