Hindi ura – urada ang pagpapalit sa mga luma gayundin sa mga kakarag – karag na mga jeepney sa ilalim ng ilalargang jeepney modernization ng pamahalaan.
Ito ang iginiit ng Department of Transportation o DOTr sa kabila ng ibinigay na deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte para palitan ang mga tinaguriang “hari ng kalsada” ng moderno at mas episyenteng modelo.
Ayon kay DOTr Undersecretary Tim Orbos, may tatlong (3) taong transitory period para palitan ang lumang mga jeep dahil hindi naman aniya kakayanin ng mga lokal na manufacturer na punuan ang kinakailangang dami nito.
Kasabay aniya ng mga ilalargang pagbabago ng DOTr ngayong taon ay ang pagdaragdag ng mga motor vehicle inspection unit para tiyaking malinis na at ligtas ang ibinubugang usok ng mga jeepney.
Plantsado na din ani Orbos kung paano tutulungan ng pamahalaan ang mga tsuper at operator ng mga jeepney para makabili ng mga bagong modelo na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso nang hindi sila mamumulubi.
Magugunitang ibinabala ng Pangulo noong Oktubre ng nakalipas na taon na kaniyang guguyurin ang mga luma at kakarag – karag na mga jeepney sakaling makita pa rin niya itong tumatakbo sa mga lansangan sa pagpasok ng bagong taon.