Maaari nang magsimula ang mga kumpanya na uubra nang baguhin ang kanilang sistema sa payroll at software.
Ito’y matapos maglabas na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng circular para sa bagong computation ng withholding tax na kailangan sundin ng employers at taxpayers.
Ayon kay Leyte Representative Henry Ong, isa sa pinaka – aabangan ngayon ng maraming empleyado ay ang probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa income tax exemption.
Dahil dito aniya ay hindi na kasama sa papatawan ng buwis ang taunang kumikita ng hanggang P250,000.00 na inaasahang magpapalaki sa take home pay ng isang manggagawa.
Una nang hiniling ni Ong na ipalabas agad ang nasabing patakaran sa pagpapatupad ng bagong sistema sa pagkuwenta ng buwis ng mga manggagawa upang agad itong maramdaman sa unang payday ng 2018.