Naniniwala ang Malakanyang na isa si Pangulong Rodrigo Duterte sa dahilan kung bakit pumangatlo ang Pilipinas sa pinakamasayang bansa sa buong mundo.
Kasunod ito ng resulta ng 41st Annual Global End of the Year survey ng Gallup International kung saan naitala ang iskor na 84 sa net happiness score ng Pilipinas at kilalaning pangatlo sa pinakamasayang bansa kasunod ng Fiji at Colombia.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isang magandang balita para sa Pilipinas ngayong bagong taon ang pagiging pangatlo sa pinakasamasayang bansa sa buong mundo.
Dagdag ni Roque, bagama’t kilala na ang Pilipino sa pagiging masayahin at matatag, malinaw pa rin na tanggap ng publiko ang mga pagbabagong nararamdaman sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte.
Maituturing naman aniyang hamon sa pamahalaan ang panatilihin ang takbo at momentum sa paglago ng ekonomiya ng bansa at maramdaman ito ng lahat ng Pilipino.