Dapat umanong gawing ‘urgent’ ng Department of Transportation o DOTr ang pagresolba sa mga problema sa MRT ngayong bagong taon.
Ito ang hamon ni Senate Committee on Public Services Chairman Grace Poe sa DOTr sa gitna ng sunod – sunod na pagkadiskaril ng operasyon ng Mrt noong nakalipas na taon.
Kailangan aniyang magpatupad ng malawakang repair work ang DOTr sa halip na simpleng regular maintenance work.
Gayunman, ang malaking repair ay maaari aniyang mangahulugan ng pansamantalang pagtigil sa operasyon ng MRT.
Dagdag pa ni Poe, kung walang magiging alternatibong mass transport system, magiging matinding parusa ito sa mga pasahero.
Umaasa naman si Poe na ang bagong taon ay magbibigay sa DOTr ng bagong pagkakataon upang magsimula ng mas mahusay na pangangasiwa sa MRT.