Nakatakda nang isumite ngayong buwan sa Korte ng Department of Justice o DOJ ang kanilang draft petition na humihirit na ideklarang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army o CPP – NPA alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, head ng panel na bumabalangkas ng petisyon, nangangalap pa sila ng karagdagang dokumento at ebidensya na susuporta sa kanilang petisyon laban sa CPP – NPA.
Kabilang sa kanilang tinitingnang karagdagang ebidensya ay ang labinglimang (15) insidente ng pag – atake ng rebeldeng grupo tulad ng pananambang sa rescue operations ng mga tropa ng gobyerno sa mga sinalanta ng bagyong Urduja sa Catubig, Northern Samar.
Nilinaw naman ni Ong na hindi kasama ang National Democratic Front of the Philippines o NDFP sa mga ipinadedeklarang terorista sa kanilang ihahaing petition sa Korte.