Ibinabala ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang No Election o No–El scenario sa pagsapit ng taong 2019 kasabay ng midterm elections.
Ito aniya’y kung tatanggapin ng taumbayan ang kanilang binabalangkas sa mababang kapulungan ng Kongreso na bagong saligang batas upang magbago na ng sistema ng gobyerno mula sa presidential patungong federalism.
Paliwanag ni Alvarez, may isasama aniyang ‘transitory provisions’ sa bagong konstitusyon na magtatakda kung kailan matatapos ang termino ng kasalukuyang mga opisyal ng pamahalaan.
Sinegundahan naman ito ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na nagsabing posibleng mangyari rin ang No–El scenario sa pagpili ng hahalili kay Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Ngunit, nang tanungin si Pimentel hinggil sa posibilidad ng term extension o pagpapalawig sa termino ni Pangulong Duterte, sinabi niyang posible ito kung lubhang hihingin ng pagkakataon.
Subalit nakadepende aniya ito sa kagustuhan ng Pangulo at kung ito’y itinatadhana ng bagong saligang batas na tanggap aniya ng taumbayan.