Pinasisibak ng Ombudsman si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct at iba pang kaso.
Kaugnay ito ng pagrenta umano ng heavy equipment na pinasok ni Moreno noong 2009 – 2010 sa panahon ng kaniyang termino bilang Gobernador ng Misamis Oriental.
Pinagmumulta naman katumbas ng isang taon na sahod sina dating Acting Provincial Budget Officer Elmer Wabe at dating Provincial Administrator Patrick Gabutina.
Hindi na maaari pang makapagtrabaho sa alin mang sangay ng gobyerno ang mga nabanggit na opisyal kasabay ng kanselasyon ng kanilang eligibility.
Wala ding matatanggap na retirement benefits ang respondents at hindi papayagang makakuha muli ng Civil Service examinations.
Napag – alaman ng Ombudsman na pumasok sa maraming lease agreements sa Equipment Corporation ang pamahalaang panlalawigan para sa paggamit ng heavy equipment na nagkakahalaga ng 2.96 milyong piso.
Ngunit lumabas sa imbestigasyon ng Commission on Audit (COA) na iligal ang pagrerenta nito at hindi dumaan sa public bidding kaya’t wala sa tamang proseso ang paglabas ng pondo para dito.