Inaasahang magpapalabas ng isang joint resolution ang dalawang kapulungan ng Kongreso ngayong taon para isulong ang malawakang pagbabago sa Saligang Batas.
Ito ang ibinabala ng political analyst at miyembro ng 1987 Constitutional Commission na si Atty. Christian Monsod kaugnay ng isinusulong na Charter Change ng administrasyong Duterte.
Sa eklusibong panayam ng DWIZ kay Monsod, sinabi nito na posibleng isabay ang pagsasagawa ng referendum kaugnay ng nilulutong pagbabago sa Saligang Batas sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections sa Mayo.
“Abangan ninyo yung lalabas sa House of Representatives kasi meron daw silang niluluto na tinatawag na Resolution No.8, I don’t know kung ano ang nasa loob nun, ang aking pinipintasan yung PDP-Laban Draft Federal Constitution, pero ang mahalaga ay yung Resolution No.8 na ipa-pass daw ng House at Senate na yun ang complete constitution that’s going to be proposed by the government but nobody has seen it.” Ani Monsod
Kasabay nito, nangangamba si Monsod na tuluyan nang mabubura ang probisyon hinggil sa social justice na nasa kasalukuyang konstitusyon na hindi pa rin naipatutupad mula nang balangkasin ito noong 1987.
“Sinulat namin yung Constitution na yan, ang 1987, ang center, yung puso, the heart ng ating konstitusyon ay yung social justice, na dapat ang center of development natin are the poor, babaguhin nila yan, sabi nila yung mga social justice provisions kagaya ng agrarian reforms, urban reforms at housing, ancestral domain, at yung fisheries reforms ay aalisin na sa Constitution at ibibigay na lang sa parliament.” Pahayag ni Monsod
Mas mahabang termino ni PDuterte?
Samantala, posibleng palawigin ang anim (6) na taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ‘kung kinakailangan’.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel ito ay sa sandaling magkaroon ng ‘transitory period’ sa ilalim ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno patungo sa pederalismo.
Gayunman, nakadepende aniya ang term extension sa ‘transitory provisions’ at kung kailan aaprubahan ang bagong konstitusyon.
Kung sa taong 2019 pa aaprubahan ang bagong saligang batas, sa susunod na tatlong taon ang transitory period.
Maaari aniyang palawigin ang termino kung pabor dito ang Pangulo lalo’t kung magiging bahagi naman ang extension ng bagong konstitusyon na aprubado ng taumbayan.
—Drew Nacino / Jaymark Dagala / IZ Interview