Sinibak sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Maritime Industry Authority o MARINA Administrator Marcial Quirico Amaro III.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing sa Davao City ngayong hapon.
Ayon kay Roque, tinanggal sa puwesto si Amaro dahil sa sobra-sobrang biyahe nito sa ibang bansa kung saan umabot ito sa 24 foreign trips sa loob lamang ng 13 buwan.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng Department of Transportation o DOTr laban kay Amaro dahil sa isinumiteng reklamo ng Alliance of MARINA Employees laban dito sa Office of the President.
Binigyang diin ni Roque na lahat ng biyahe sa ibang bansa ng isang empleyado ng gobyerno, opisyal man o personal ay kinakailangang ihingi ng pahintulot at dapat ito’y aprubado.
“Walang kaduda-duda na seryoso ang ating Presidente sa kampanya laban sa korupsyon, muli po kung gusto ninyong yumaman at bumiyahe ay huwag na po kayong magtrabaho sa gobyerno, andiyan naman po ang pribadong sektor.” Pahayag ni Roque
Sa ngayon ani Roque ay wala pang napipisil ang Pangulo na papalit sa puwesto ni Amaro sa MARINA.
Matatandaang kahapon ay naunsyami ang pag-anunsyo nito matapos umanong makatanggap ng utos si Roque na pansamantalang ipagpaliban ang pagbibigay ng impormasyon ukol sa bagong sibak na opisyal ng pamahalaan.
Una nang nasibak sa ilalim ng Duterte administration sina Department of Interior and Local Government o DILG Secretary Mike Sueno, Dangerous Drugs Board o DDB Chairman Dionisio Santiago at Presidential Commission for the Urban Poor Chairman Terry Ridon.
—-