Hindi na kailangang mag-imbento o mag-isip ang oposisyon ng paraan o antidote upang harangin ang Charter Change o Cha-cha at pederalismo.
Ito, ayon kay Senador Panfilo Lacson, ay dahil mismong sina Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III at House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez ang tila nangangampanya kontra pederalismo at Cha-cha.
Magugunitang inamin ni Pimentel na posibleng palawigin ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte habang pinalutang ni Alvarez ang No Election (No-El) Scenario sa taong 2019.
Iginiit ni Lacson na hindi makatutulong ang term extension at No-El scenario sa isinusulong ng administrasyong Duterte na federal form of government.
Nangangahulugan din aniya ito ng pag-amyenda sa konstitusyon dahil posibleng marami ang kumontra sa constitutional amendments para sa pederalismo bunsod ng paglutang No-El at term extension scenarios.
Pimentel ‘no comment’ vs pahayag ni Pangilinan
Tumanggi munang magkomento si Senate President Koko Pimentel sa pahayag ni Minority Senator Kiko Pangilinan na may impormasyong magkakaroon ng sampung (10) taong transition period sa pederalismo kung saan wala munang eleksyon at isusulong ang term extension para sa Pangulo, mga Senador at Kongresista.
Kinuwestyon ni Pimentel kung kanino itong bersyon dahil sayang umano ang oras sa pagkokomento lalo’t abala siya sa kanyang trabaho.
Gayunman, iginiit ng pinuno ng Senado na wala pang konkretong panukala hinggil sa federal form of government kaya’t malaya pa aniya ang sinuman na maghayag ng kani-kanilang opinyon.
Sinasabing target ng PDP-Laban ang limang (5) taong termino na may isang re-election para sa Pangulo habang limang taong termino sa mga mambabatas na walang term limit.