Welcome sa Malakanyang ang plano ng Makabayan Bloc sa Kamara na kuwestyunin sa Korte Suprema ang ipinasang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, kanilang iginagalang ang karapatan ng bawat Pilipino bilang bahagi ng sistema ng demokrasya.
Subalit iginiit ni Andanar na tiyak pakikinabangan ng mga Pilipino ang benepisyong dulot ng TRAIN Law dahil aabot sa walongpung bilyong piso (P80-B) ang inaasahang kikitain ng bansa na mapupunta naman sa mga malalaking proyekto.
Kabilang na aniya dito ang libreng edukasyon sa State Universities and Colleges (SUC’s), mas pinaigting na serbisyong medikal para sa mga mahihirap at ang Build, Build, Build Projects.
Magugunitang nagbanta si Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate na kanilang idudulog sa High Tribunal ang pagkuwestyun sa naturang batas sa susunod na linggo.