Posibleng bawiin na ng Indonesia ang pagpapaliban sa pagbitay sa Pinay na si Mary Jane Veloso.
Pangamba ito ng National Union of Peoples Lawyers o NUPL na tumutulong kay Veloso matapos pagbawalan ng Court of Appeals ang hukom ng Nueva Ecija na kunin ang testimonya ni Veloso sa Indonesia.
Ayon kay Atty. Edre Olalia, Pangulo ng NUPL, ipinagpaliban lamang ng Indonesia ang pagbitay kay Mary Jane dahil sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas na mahalaga ang testimonya nito laban sa kanyang illegal recruiters na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Sinabi ni Olalia na dapat ay binigyang pansin ng CA ang kalagayan ni Veloso dahil hindi naman ito pinapayagan ng Indonesia na umuwi para tumestigo laban kina Sergio at Lacanilao at hindi rin pinapayagan ang pagkuha ng testimonya sa pamamagitan ng skype.
Tiniyak ni Olalia na iaapela nila ang desisyon ng CA at handa silang umakyat hanggang sa Korte Suprema.
—-