Muling itinanggi ng Malakanyang ang umano’y pinapalutang ng mga kritiko na layunin ng isinusulong ng pederalismo na palawigin ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa katanuyan ay hindi pabor ang Pangulo na magkaroon ng ‘no election’ scenario sa taong 2019.
Ngayon pa lamang aniya ay pinatitiyak ng Punong Ehekutibo na gawing pinakamalinis na halalan sa kasaysayan ang botohan sa susunod na taon.
Iginiit ng kalihim na kinikilala umano ni Pangulong Duterte ang kanyang ‘consitutional duty’ kung saan nakasaad dito na hangang 2022 lamang ang kanyang kontrata sa taumbayan para magsilbi bilang lider ng bansa.
Malabo umano ang sinasabing kapit-tuko ang Pangulo sa posisiyon dahil mas nais nitong magkaroon na ng pagbabago sa konstitusyon upang makababa na siya sa puwesto.
De Lima binuweltahan ng Palasyo
Bumuwelta ang Palasyo sa mga patutsada ng nakapiit na si Senador Leila De Lima kaugnay sa umano’y ‘maitim’ na balak ng kasalukuyang administrasyon upang palawigin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang pahayag ng senadora ay posibleng epekto ng pagkabagot sa loob ng kulungan kaya’t nagdedelusyon na ito.
Hindi na aniya dapat pakinggan ang mga banat ni De Lima at tanging sa mga paliwanag ni Pangulong Duterte dapat makinig ang taumbayan.
Hindi na din umano nakapagtataka ang mga ikinikilos ng Senadora dahil wala itong ibang makausap sa loob ng kulungan at tanging electric fan ang kasama buong araw na posibleng dahilan ng delusyon ng mambabatas.