Humabol sa huling araw ng pagpasa ng application para sa Binibining Pilipinas 2018 pageant ang Miss World Philippines 2016 na si Catriona Gray.
Namataan na nagsumite ang Filipino-Australian model sa Binibining Pilipinas Charities Incorporated (BPCI) sa Araneta Coliseum, sa Cubao, Quezon City.
Nag-trending sa Twitter ang pangalan ng beauty queen at umani ng sari-saring reaksyon.
Habang sa isang Instagram post ni Catriona, nagpasalamat ito sa kanyang mga taga-suporta.
Aniya, may mga nangyayari na kahit hindi nakaplano ay dinadala ka pa rin ng tadhana para mangyari ito.
Kinoronahan si Catriona bilang Miss World Philippines noong Oktubre 2016.
Dinala niya ang pangalan ng bansa sa Maryland, USA para kunin ang titulong Miss World 2016, bigo man makuha ang korona, nakapasok naman ito sa Top 5.
Matatandaang nasa ilalim ng Aces & Queens ang beauty queen noong sumali ito sa Miss World Philippines ngunit ngayon ay naging independent candidate na lamang sa pagsali sa Binibining Pilipinas.