Mas mabilis ang usad ng ‘traslacion’ ngayong taon kumpara sa mga nagdaang taon.
Ayon sa lokal na Disaster Risk Reduction Management Council ng Maynila, may mga inibang istratehiya ang organizers para mapabilis ang usad ng prusisyon.
Umalis ng Luneta Grandstand ang Andas dakong alas-5:00 ng madaling araw at bago mag-alas-10:00 ay nakadaan na ito sa Mehan Garden taliwas noong nakaraang taon na alas-2:00 na ng hapon nang marating ang parehong lugar.
Gayunman, sa kabila ng mabilis na usad, posible pa rin umanong abutin hanggang mamayang gabi ang traslacion dahil sa mga inilagay na prayer stations sa daraanan ng prusisyon.
‘Mga debotong nalapatan ng lunas’
Aabot sa isandaan at animnaput isang (161) deboto na ang nalapatan ng lunas ng Philippine Red Cross o PRC sa kasagsagan ng traslacion ng Itim na Nazareno.
Sa naturang bilang, 91 dito ang tumaas ang blood pressure habang 48 ang nagtamo ng minor injuries tulad ng galos, pagkahilo, lagnat, pananakit ng ipin at ng katawan.
Gayunman, sinabi ng PRC na wala namang naiulat na nagtamo ng malalang sugat.
Iloilo at CDO ‘traslacion’
Naging maayos ang traslacion sa Cagayan de Oro at Iloilo.
Ayon kay Chief Inspector Mardy Hortillosa, Spokesperson ng Cagayan de Oro PNP, halos dalawang oras lamang inabot ang traslacion mula sa St. Augustine Cathedral pabalik sa Shrine of the Black Nazarene.
Tinatayang nasa 100,000 katao ang dumalo sa traslacion sa CDO, mas marami kumpara sa tinatayang 80,000 noong nakaraang taon.
Samantala, nasa 500 deboto naman ang sumama sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maddurriao Iloilo.
Mula sa Mandurriao Parish Church, inilibot muna ang Itim na Nazareno bago ibinalik muli sa simbahan.
Ilan mga deboto naman sa Bohol ang hindi nakasama sa taunang traslacion ng Itim na Nazareno dahil dinayo nila ang Puting Nazareno na nasa bayan ng Talibon.
Sinasabing 50-taon na ang edad ng White Nazarene na dati ay gawa sa kahoy subalit ngayon ay gawa na sa semento.
(Ulat ni Aya Yupangco)