Pag- aaralan na ng isang independent body ang pagtataas sa sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ito ay matapos na atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Budget and Management (DBM) at iba pang ahensya ng pamahalaan na humanap ng paraan para maitaas ang sahod ng mga guro kasunod ng umento sa sahod ng mga sundalo at pulis.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, posibleng sa 2020 maisakatuparan ang ‘salary adjustment’ sa mga guro dahil dito pa lamang magkakaroon ng full effect ang Four – Year Salary Standardization Law.
Sa tantya ni Diokno, maaring abutin ng kalahating trilyong piso ang kakailanganin ng gobyerno para sa pagdoble sa sahod ng nasa 600,000 public school teachers.
Mangangailangan umano ng dagdag na P500-B sa pondo ang sinasabing planong umento sa sahod ng mga public school teachers.
Iginiit pa ni Diokno, na sa ngayon ay hindi prayoridad ng ahensya ang dagdag-sahod ng mga guro sapagkat nakatuon pa aniya ang kanilang konsentrasyon sa ‘Build, Build, Build Program’ ng administrasyon at pagtulong sa mga mahihirap.