Sumuko na sa mga militar ang dalawang lider ng New People’s Army (NPA) sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Ayon sa 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army, ang dalawang lider ay kabilang sa Guerila Front 51 ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) na kinilalang sina Randy Atong, ang Finance at Logistics Officer ng Andoy at Basil Platoons, at Renie Atenza, ang Team Leader ng First Squad, Basil Platoon.
Sinasabing walang dalang mga armas ang mga sumukong lider ngunit inamin ng mga ito sa mga militar na itinago nila sa isang lugar sa Barangay Sibulan, Toril District sa Davao City ang isang M14 at M16 rifle, at isang M203 grenade launcher.
Agad naman itong pinuntahan ng Alpha Company at matagumpay na nakuha ang mga armas.
Samantala, inamin ng mga lider na pagod at nahihirapan na silang makipagbakbakan sa tropa ng gobyerno, at dahil din sa matinding gutom kaya’t nagpasya na silang sumurender.