Ikinalugod ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa joint resolution kaugnay ng dagdag sahod lahat ng mga militar at uniformed personnel.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Edgard Arevalo, nagpapasalamat ang lahat ng mga sundalo sa ibinigay na pagkilala ni Pangulong Duterte sa mga sakripisyo at panganib na kinahaharap ng militar sa paggampan ng kanilang serbisyo.
Dagdag ni Arevalo, kanilang nauunawaan kailangang ikunsidera ang kasalukuyang lagay ng pinansiyal ng pamahalaan sa pagbuo ng bagong pay scheme sa mga sundalo kaya’t hindi pa nakasama dito ang mga retiradong AFP personnel.
Tiniyak naman ni Arevalo na mananatiling tapat ang militar sa kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan at sa mga Pilipino, meron man o walang dagdag sahod.
Sa panig naman ng pulisya, sinabi ni PNP Spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos na kanilang gagampanan nang mahusay ang kanilang trabaho para mapatunayang karapat-dapat sa ibinagay na pagkilala.