Lalo pang bumubuti ang ugnayan ng Pilipinas at China.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nang makipagpulong kay Communist Party of China (CPC) Committee Member Meng Xiangfeng sa Malakanyang noong Martes, Enero 9.
Sa nasabing pagpupulong, muling sinabi ni Pangulong Duterte ang aniya’y hangarin ng mga Pilipino na mas mapagtibay pa ang ugnayan ng Pilipinas at China.
Sa kabila naman ito ng pahayag ng Department of National Defense (DND) na ikinukunsidera nila ang paghahain ng democratic protest laban sa China dahil sa ulat ng militarisasyon nito sa Kagitingan Reef sa West Philippine Sea (WPS).
Sa inilabas na pahayag ng Malakanyang, nangyari ang pagpupulong matapos imbitahan ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang Communist Party of China.
Kasama ng Pangulo sa nasabing pulong ang ilang matataas na opisyal ng PDP-Laban kabilang sina Senate President Koko Pimentel, Energy Secretary Alfonso Cusi at Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella.
Habang dumalo din sina Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua, Embassy of China Counsellor Sun Yi at iba pang miyembro ng Communist Party of China.