Hindi lang nakatuon sa mga jeepney ang pagpapatupad ng kampanyang ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ bilang bahagi ng public utility vehicle modernization program ng gobyerno.
Ito ang ginawang paglilinaw ng Land Transportation Office o LTO.
Ayon kay Francis Almora, Director ng LTO-Law Enforcement Service target ng kampanya ang lahat ng klaseng sasakyan na hindi sumusunod at may mga paglabag sa batas.
“Ito ay mandato ng LTO, hindi lang sa public utilities ito kundi sa lahat ng vehicles na makikita natin na hindi tumutupad sa mga alituntunin na nandun po sa public roads natin. Sa amin, lahat ng bulok at lahat ng mausok, yan po ang tinatanggal natin, yan ang mandato natin sa Clean Air Act na magpatupad ng road worthiness.” Ani Almora
Idinagdag ni Almora na sa pagsisimula ng kanilang operasyon laban sa mga bulok at mausok na mga sasakyan nitong linggo lamang ay umabot na sa 34 ang nabigyan nila ng subpoena o summon bukod pa sa 10 units na na-impound dahil sa mga paglabag at mahigit 200 na lumabag sa road worthiness.
“Ayaw nating magdagdag ng traffic sa mga lansangan kapag doon tayo nag-test ng mga sasakyan sa mga daan, ang probable cause po natin ay yung nakikita mismo na usok na binubuga kaya nagsu-subpoena kami para dalhin yan sa LTO, at diyan gagawin ang pagte-test kapag bumagsak sila doon may paglabag na po sila.” Pahayag ni Almora
Sinabi ni Almora na target din ng gobyerno na ipatupad ang nasabing kampanya sa buong bansa.
“Ultimately ang tinitingnan natin ay ma-implement ang mga batas na ito hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa, ma-expand at maipatupad ito sa buong kapuluan.” Dagdag ni Almora
FYI.
Clean Air Act Violation:
1st offense: P2,000 fine
2nd offense: P5,000 fine
3rd offense: P6,000 and suspension of registration for 1 year
Violation on Parts and Accessories:
P5,000 per violation
Prescribed / allowed LIGHTS for vehicles:
Head lights- White
Signal lights- Amber
Stop lights- Red
—(Ratsada Balita Interview)