Isa pang government official ang nakatakdang sibakin sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa PAGCOR event kagabi sa Manila Hotel, sinabi ng Pangulo na sangkot ang kanyang tatanggaling opisyal ng pamahalaan sa isyu ng korupsyon.
Ngayong linggong ito ayon kay Pangulong Duterte posibleng gawin ang pagsibak sa government official na isa aniyang Chairman.
Bukod dito ay posibleng isabay na rin ng Punong Ehekutibo ang gagawin niyang pagsibak sa aniya’y isang batch ng mga pulis na sangkot din sa iregularidad.
Nabanggit din ng Presidente na tatlong heneral ang nakalinya ring masipa sa serbisyo pero hindi malinaw kung ang mga ito’y nasa hanay ng Philippine National Police (PNP) o militar.
Una nang sinabi ng Punong Ehekutibo na tatlong police coronel ang iaanunsiyong tatanggalin sa serbisyo at police personnel na aabot sa humigit kumulang 70.
—-