Umaasa ang Malakanyang na gugulong ang proseso ng hustisiya sa Mamasapano Incident na ikinamatay ng apatnapu’t apat na miyembro ng PNP-Special Action Force noong 2015.
Ito ang inihayag ng Malakanyang matapos ipagpaliban ng Sandiganbayan 4th Division ang arraignment ni dating Pangulong Noynoy Aquino kasama si dating PNP-SAF Commander Getulio Napeñas dahil sa kasong anti-graft and corruption at usurpation of official functions.
Kinasuhan si Aquino dahil sa paggamit sa suspendidong PNP Chief na si Allan Purisima sa Oplan Exudos kung saan napatay ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mahalagang masunod ang judicial process upang mabigyan ng pagkakataon ang panig ng akusado at pamilya ng SAF-44 sa pagtatamo ng katarungan.
Nagpasya ang 4th division na ipagpaliban ang arraignment ng dating Pangulo para bigyang-daan ang pagdinig sa kanyang inihaing motion to quash noong January 4.
Batay sa rules of proceedings, kailangang resolbahin muna ng hukuman ang nakabinbing mosyon at petisyon bago isailalim sa arraignment ang akusado.