Aarangkada na simula sa susunod na linggo ang paghahanap ng Department of Information and Communications Technology ng ikatlong telecom company na pantapat sa Smart at Globe.
Ilalabas ng D.I.C.T. ang pormal na imbitasyon upang mag-bid sa proyekto na layuning pabilisin ang internet sa bansa sa pamamagitan ng pinaigting na kompetisyon.
Gayunman, hindi biro ang requirements na kailangan dahil puwede lamang lumahok ay mga kumpanyang may existing congressional franchise at kayang gumastos ng kalahating bilyong Piso sa loob ng limang taon.
Ito’y upang matiyak na kayang makipagsabayan ng ikatlong telco sa Smart at Globe habang ang mga maliliit na korporasyon ay maaaring maghanap ng partner, dayuhan man o lokal.
Kabilang sa pinaka-matunog na papasok bilang third player ang China Telecom na inimbita ni Pangulong Rodrigo Duterte para mamuhunan sa telecom industry ng Pilipinas.