Patuloy na maninindigan ang Malakanyang na wala pa ring pangangailangan para magdeklara ang gubyerno ng isang Revgov o Revolutionary Government.
Ito ang reaksyon ng Palasyo kasunod ng lumabas na SWS Survey kung saan hati ang mga Pilipinong pabor at kontra sa naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang lumabas sa survey na isinagawa nuong ika-walo hanggang ika-labing anim ng Disyembre ng nakalipas na taon, tatlumpu’t siyam na porsyento ang pabor sa pagtatatag ng revolutionary government.
Habang tatlumpu’t isang porsyento naman ng 1500 respondents ang kumontra rito at nasa tatlumpung porsyento ang hindi makapagpasya o undecided.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw ang mga naunang pahayag ng Pangulo na ayaw nito sa Revgov dahil matatag pa naman ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan.