Inaasahan na ni bagong Dangerous Drugs Board o DDB Chairman Catalino Cuy ang pakikiisa ng local executives sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Sa isinagawang flag raising ceremony sa DDB, sinabi ni Cuy na malaki ang responsibilidad ng barangay officials sa war on drugs dahil nagkalat ang shabu sa mga mahihirap na bahagi ng komunidad.
Binigyang diin ni Cuy ang kautusan sa local executives na bantayang mabuti ang mga barangay kung saan naroon aniya ang mga kliyente ng drug lords.
Ang shabu aniya ay tinaguriang poor man’s cocaine na bumibiktima sa mga nasa barangay dahil kung may pera o pambili ang mga ito, cocaine ang kanilang bibilhin.
Tiniyak ni Cuy ang suporta sa anti-drug councils sa lahat ng antas mula regional, municipal, city hanggang barangay levels.
Kasabay nito, ipinabatid ni Cuy na isasalang pa sa masusing validation ang listahan ng mga drug personalities at suspected criminals na isusumite ng barangay executives batay na rin sa kautusan ni Interior Undersecretary Martin Diño.
—-