Hiniling ng Office of the Solicitor General sa Supreme Court na ibasura ang mga petisyon na kumukwestiyon sa constitutionality ng 1 year extension ng Martial Law sa Mindanao.
Sa animnapu’t tatlong pahinang komento na isinumite noong January 13 sa S.C., iginiit ni Solicitor-General Jose Calida na dapat mabasura ang mga petisyon dahil sa kawalan ng merito.
Ayon kay Calida, magkaiba ang orihinal na proklamasyon sa batas militar sa pagpapalawig nito dahil ang deklarasyon ng batas ay hakbang ng pangulo , habang ang extension nito ay desisyon naman ng Kongreso.
Dahil mayroon din anyang “presumption of constitutionality” ang pagpapalawig ng batas militar, kinakailangang magpresenta ang mga petitioner ng mga katibayan para sabihin na walang batayan ang martial law extension.
Iginiit ng OSG na bagaman napalaya na ang Marawi mula sa umatakeng Maute-ISIS, ang naturang lungsod ay hindi naman kabuuan ng Mindanao at hindi rin nangangahulugan na ang paglaya ng siyudad ay hudyat na ng pagtatapos ng rebelyon sa Mindanao.