Tinatayang 128 Milyong Pisong halaga ng iba’t ibang uri ng iligal na droga ang nasabat ng Bureau of Customs sa magkahiwalay na shipment ngayong buwan.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, nagmula ang kontrabando sa Pakistan na dumating noong Enero a-kwatro at a-diyes.
Naglalaman anya ang mga parcel ng dalawang milyong tableta ng valium, temazepam, pinnix at iba pang dangerous drugs na kadalasang ginagamit at ibinebenta sa mga bar.
Ipinadala ang mga ito nina Nastin Akhtar, Qaiser Mehmood Poutt, Zahid Hussain at Imran Abbas at naka-consign kina Peter Parcon, Jocelyn Villarino, Rosalie Rosales, Lucy Marpuri at Dang Solvino na hindi naman nagpakita upang i-claim ang package.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency at nakikipag-ugnayan na rin ang B.O.C. sa Pakistani government hinggil sa insidente.