Isang mataas na opisyal ng National Democratic Front’s – Far South Mindanao Region (NDF – FSMR) ang sumuko sa militar sa South Cotabato noong Lunes.
Kinilala ang sumukong rebelde na si Noel Legazpi alyas ‘Ka Efren Aksasato’ na nagsilbing tagapagsalita ng NDF – FSMR sa loob ng dalawangpung (20) taon, kasama ang kanyang asawa na chief medic naman ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Philippine Army 27th Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Benjamin Leander, malaki ang naitulong ni South Cotabato Governor Daisy Avance – Fuentes sa pagbabalik loob sa pamahalaan ng mag-asawang rebelde matapos ng ilang buwang pakikipag-negosasyon.
Dagdag ni Leander, napagod na aniya ang mag-asawang rebelde sa pagtatago at pagtakas mula sa puwersa ng pamahalaan kaya’t nagpasya na ang mga itong sumuko.
Kasabay nito, umaasa si Leander na mahihikayat nito ang iba pang mga rebelde na magbaba na din ng armas at magbalik loob sa pamahalaan.