Posibleng hindi pa handang sumabak sa trabaho ang mga magtatapos sa K-12 program na basic education system ng Department of Education (DepEd).
Ito ang pangamba ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na naniniwalang hindi sapat ang walongpung (80) oras o dalawang (2) linggo lamang na minimum requirement para sa On the Job Training (OJT) ng unang batch ng K-12 students na nakatakdang magtapos sa Marso.
Ayon kay Alberto Fenix, presidente ng Human Resource Development Foundation ng PCCI, posibleng mahirapang makapasok ng trabaho ang tinatayang daan-daang libong magtatapos sa K-12 kung hindi magiging sapat ang karanasan ng mga ito sa kanilang magiging OJT.
Magugunitang sa ilalim ng K-12 ay pinalawig ang basic education system mula sampung (10) taon hanggang labingdalawang (12) taon ang mga magtatapos ng senior high school ay edad 18 at maaari nang maghanap ng trabaho o kaya ay ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.
Samantala, tiniyak naman ng DepEd na pag-aaralan ang obserbasyong ito ng PCCI.
Gayunpaman, kumpiyansa si DepEd Undersecretary Tonisito Umali na handa nang magtrabaho ang mga mag-aaral na magtatapos sa ilalim ng K-12 program.