Pinarerepaso ng dating Commission on Election (COMELEC) Chairman at miyembro ng 1986 Constitutional Commission (ConComm) na si Atty. Christian Monsod sa Korte Suprema ang ginawang pagpapalawig sa idineklarang batas militar sa Mindanao.
Ito ang hiniling ni Monsod sa High Tribunal kasunod ng pag-arangkada ng oral arguments hinggil sa mga petisyong inihain dito na kumukuwesyon sa naging hakbang na iyon ng Kongreso.
Iginiit ni Monsod na inilagay pa rin nila ang probisyon ng martial law sa kasalukuyang konstitusyon sa kabila ng mga bangungot ng rehimeng Marcos, upang magamit sa mga pinaka-kinakailangang pagkakataon tulad aniya ng rebelyon at pananakop.
Ipinunto din ni Monsod na dapat maging pinakahuli sa lahat ng mga pagpipilian ng Pangulo ang pagdedeklara ng batas militar sa halip na ito ang pinaka-una sakaling may mangyaring gulo.
Sa huli, nanawagan si Monsod sa mga Mahistrado na maging konsensya ng pamahalaan dahil nangangamba siyang tuluyan nang mamatay ang demokrasya sa bansa na kung papanigan pa rin nito ang Ehekutibo at Lehislatura.