Binatikos ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ ang ginawang pagkansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa registration ng online news site na Rappler.
Ayon sa PCIJ, bakit kinakailangan pa anilang humantong sa pagsasara ng nasabing kumpanya kung maaari naman itong atasan na ayusin ang papeles nito, tanggalin na ang mga dayuhang nagpopondo dito o hindi kaya’y patawan na lamang ng multa.
Naniniwala din ang PCIJ na isang uri ng paninikil sa larangan ng pamamahayag ang ginawang hakbang ng SEC laban sa Rappler na kilalang kritiko ng kasalukuyang administrasyon.
Dahil dito, nagpahayag ng pakikiisa ang PCIJ sa Rappler upang ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag gayundin ang karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan.
Samantala, handang idepensa ng Securities and Exchange Commission o SEC ang kanilang desisyon na nagkakansela sa rehistro ng online news site na Rappler.
Ayon kay SEC Chair Teresita Herbosa, nanindigan siyang lumabag ang Rappler sa itinatadhanang probisyon sa saligang batas hinggil sa foreign ownership kaya’t dapat lamang itong mapatawan ng parusa.
Kasunod nito, ipinagtanggol naman ng Malakanyang si Herbosa kung saan inilarawan siya ni Presidential Spokesman Harry Roque bilang taong tumitinding laban sa kurapsyon.
Magugunitang itinalaga ni dating Pangulong Noynoy Aquino si Herbosa sa nasabing posisyon noong 2011 na may fix term sa ilalim ng konstitusyon.