Malabo pang maisabay sa nakatakdang barangay at sangguniang kabataan o SK elections sa darating na Mayo ang plebesito para sa Charter-Change.
Ayon iyan kay Senate Committee on Constitutional Amendments Chairman Francis Pangilinan bunsod ng naging resulta ng kanilang pagdinig kahapon.
Binigyang diin ni Pangilinan na hindi nila dapat madaliin ang proseso ng pagpapalit ng Saligang Batas lalo pa’t taliwas ang nais ng Kongreso sa pananaw naman ng mga eksperto sa batas hinggil sa kung paano babalangkasin ang bagong konstitusyon.
Magugunitang iginiit ng mga constitutional experts ang Con-Con o Constitutional Convention para sa pagbabago ng Saligang Batas gayung napagkasunduan ng dalawang kapulungan na gamitin ang Con-Ass o Constitutional Assembly.
Gayunman, tiniyak ni Pangilinan na kanilang sisikaping mabusisi ng husto ang mga mungkahi sa pag-aamiyenda ng Saligang Batas nang hindi minamadali at hindi rin pinipilit.
—-