Hindi lamang mga eksperto sa konstitusyon ang papakinggan ng Senado sa usapin ng Charter Change.
Ito ayon kay Senador Sherwin Gatchalian ay kaya’t maglilibot sila sa iba’t ibang bahagi ng bansa para makuha ang pulso ng taumbayan sa isyu ng pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Sinabi ni Gatchalian na mas mabuting mapakinggan din ang boses ng iba’t ibang sektor hinggil sa nasabing usapin lalo na’t marami pa ring dapat pag-aralan dito.
Una nang ipinabatid ni Senador Francis Pangilinan, Chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments, Revision of Codes and Law ang paglilibot nila para kunin ang opinyon ng taumbayan sa Cha-Cha at ito aniya ay sisimulan nila sa Cebu at Cagayan de Oro.
Magugunitang inihayag ni dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide, Jr. Na nakakamatay o isang lethal experiment ang pag amiyenda sa konstitusyon partikular ang pag shift sa federalism mula sa presidential form of government.
—-