Tiniyak ni House Majority Floor Leader at Ilocos Norte Representative Rodolfo Fariñas na hindi nila minadali ang pagpasa sa resolusyong humihiling na mag-convene ang Kongreso bilang iisang constituent assembly.
Ito’y sa harap aniya ng mga batikos mula sa mga militanteng mambabatas na tila pinaspasan ng liderato ng Kamara ang pagpasa sa House Concurrent Resolution No. 9.
Ayon kay Fariñas, dumaan aniya sa iba’t ibang komite gayundin sa mga pampublikong konsultasyon sa buong bansa ang naturang resolusyon kaya’t hindi aniya maaaring sabihin na minadali iyon.
Hunyo ng taong 2016 pa nang ihain sa Kamara ang mga panukalang batas na magsusulong para sa charter change o Cha-cha kaya’t agad na nilang sinimulan ang proseso para dito.