Target ng Department of Labor and Employment o DOLE na maipasa sa mga Overseas Filipino Workers at Overseas Filipinos ang pagmamay-ari sa bagong tatag na OF Bank.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, noong una pa man ay plinano na nilang gamitin ang trust fund ng OFWs sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA para sa pagtatatag ng bangko subalit nagkaroon ng problema kung sino ang eksperto na magpapatakbo nito.
Gayunman, sa mga susunod na panahon aniya ay puwede nang bumili ng shares ang mga OFWs hanggang sa makuha nila ang buong kontrol sa OF Bank.
“Ang OFW, yung administrator ng OWWA at yung Secretary of Labor sila munang tatlo magre-represent sa Board ng OF Bank, but eventually as promised by the President ang mga OFW will acquire most interest until they get full control of the bank, andaming pera ng mga OFW eh.” Ani Bello
Sa susunod na buwan ay inaasahang magkakaroon na ng sangay ang OF Bank sa mga lugar na maraming OFWs tulad ng Middle East.
Ayon kay Bello, hindi naman mahirap gawin ito dahil ang OF Bank ay ang dating Philippine Postal Bank na marami na rin namang sangay sa maraming lugar.
Tiniyak ni Bello na magiging malaking tulong ang OF Bank sa mga OFW at sa mga Pilipinong nakatira na sa ibayong dagat.
“Any OFW can borrow from 50,000 to 350,000 without collateral, yung remittance fee umaabot ng 20 dollars eh ito kapag OFW discounted yan until finally it will be free.” Pahayag ni Bello
(Ratsada Balita Interview)