Dumistansya ang Malakanyang sa naging mainit na palitan ng mga parinig sa social media ng apo ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at anak ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go.
Sa post ng anak ni Secretary Go na si Chrence, tinawag nitong ‘weird’ ang mga larawan ng apo ni Pangulong Duterte na si Isabelle sa kanyang pre-debut photo shoot katabi ang presidential seal.
Agad namang nakatanggap ng sagot si Chrence mula kay Isabelle.
Ani Isabelle, hindi dapat nagsasalita ng negatibong komento si Chrence sa mga kaanak ng taong pinaglilingkuran ng kanyang ama.
Banta pa ng apo ni Pangulong Duterte, ilalabas nito ang baho ng pamilya ni Secretary Go kung hindi titigil si Chrence sa pangba-bash sa kanya.
Samantala, hindi naman nagbigay ng anumang komento si Presidential Spokesman Harry Roque dahil away-teenager lamang aniya ito.
Matatandaang una nang umani ng iba’t ibang reaksyon ang naging pre-debut photoshoot ni Isabelle sa Malakanyang.