Nag-iipon na ng pondo ang Philippine National Police o PNP para sa pagpipiyansa sa sampung (10) Pulis – Mandaluyong na nasangkot sa ‘mistaken identity shooting incident’ noong Disyembre.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, responsibilidad ng pambansang pulisya na tulungan ang mga miymebro nito kaya nakahanda silang sagutin ang piyansa ng mga ito.
Iginiit pa ni Dela Rosa na bagamat pumalpak ang operasyon ng nasabing mga pulis, nararapat pa ring tulungan ang mga ito lalo’t nag-ugat ito sa maling impormasyong ibinigay ng mga barangay tanod ng Barangay Addition Hills.
Batay sa Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) Branch 21, aabot sa P128,000.00 ang piyansa sa sampung (10) Pulis – Mandaluyong na kinasuhan ng double homicide at double frustrated homicide.
Nasawi sa naturang insidente na naganap sa kanto ng Old Wack-Wack Road at Shaw Boulevard ang mga sibilyang sina Jonalyn Amba-An at Jomar Hayawon.
Isusugod lamang sana sa ospital lulan ng Mitsubishi Adventure nina Hayawon kasama ang anim na iba pa si Amba-On na noo’y sugatan dahil sa naunang insidente ng pamamaril nang harangin sila ng mga pulis dahil sa pag-aakalang getaway vehicle ng mga suspek sa pamamaril kay Jonalyn ang ginamit nina Hayawon.