Nakatakda nang desisyunan ng Department of Justice o DOJ ang kaso ng pagpaslang kay Horacio ‘Atio’ Castilo III, ang first year law student ng University of Sto. Tomas (UST) na nabiktima ng hazing ng sinalihang Aegis Juris Fraternity.
Ito’y matapos ideklarang ‘submitted for resolution’ na ang nasabing kaso sa idinaos na clarificatory hearing sa DOJ na dinaluhan ng mga respondent na miyembro ng Aegis Juris, mga magulang ni Atio at fratman na si Marc Anthony Ventura.
Sa pagdinig ay nilinaw kay Ventura ng panel prosecutors na pinamumunuan ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva ang proseso ng recruitment sa Aegis Juris.
Gayundin ang dinanas ni Atio nang sumailalim ito sa initiation rites noong Setyembre 17, 2017.
Magugunitang nagsimula ang pagdinig sa kaso nang maghain ng reklamo ang Manila Police District (MPD) at mga magulang ni Atio kaugnay sa paglabag sa Anti-Hazing Law, Murder at Obstruction of Justice laban sa tatongpo’t pitong (37) miyembro ng Aegis Juris Fraternity.