Nagturuan ang mga opisyal ng Supreme Court sa proseso ng pag-hire kay I.T. Consultant Helen Macasaet na sumasahod ng 250,000 kada buwan sa ika-sampung pagdinig para sa pagdetermina ng probable cause sa impeachment ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Deputy Court Administator Raul Villanueva, Chairman ng Bids and Awards Committee on Consultancy Services ng S.C. na hindi niya nilagdaan ang pagkuha ng serbisyo ni Macasaet.
Ikinatuwiran ni Villanueva na ang procurement entity ang nag-negotiate nito sa pamamagitan ng Management Information Office ng tanggapan ni Sereno.
Dumaan sa pamamagitan ng negotiated procurement ang pagkuha kay Macasaet kung saan maaaring makipag usap direkta ang procurement entity sa nais nitong consultant.
Binibigyang bigat sa pagkuha ng consultant ang trust and confidence at dahil highly technical ang posisyon ay hindi na ito kailangang dumaan sa Bids and Awards Committee.