Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Prospero De Vera bilang officer-in-charge (OIC) ng komisyon.
Sa memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea, agad itinalaga si de Vera bilang OIC kapalit ni Patricia Licuanan na sapilitang pinagbitiw sa puwesto, noong isang linggo.
Ito’y upang matiyak na hindi mababalam ang pagseserbisyo sa publiko ng CHED.
Bago italaga sa CHED, nagsilbi si De Vera bilang vice president ng University of the Philippines o UP.
Magugunitang, inihayag ni Licuanan ang kanyang pagbibitiw bilang chairman ng CHED sa flag raising ceremony ng komisyon kahapon.
Ayon kay Licuanan, malinaw na may mga taong determinadong masibak siya sa pwesto sa pamamagitan ng patuloy na paninira sa kanya.
Binanggit din ni Licuanan na tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea kung saan hiniling nito na magbitiw na lamang siya sa puwesto.