Mas maraming lava pa ang inaasahang ilalabas ng Bulkang Mayon sa mga susunod na araw.
Ayon kay PHIVOLCS Research Specialist Paul Alanis, sa mga nakaraang pagputok ng Bulkang Mayon umaabot sa 30 hanggang 80 million cubic meters ang ibinubuga nitong lava.
Sa ngayon aniya, batay sa kanilang tala umaabot pa lamang sa 18.7 million cubic meters ang ibinugang lava ng bulkan mula noong Enero 13 hanggang 25.
Samantala nasa 3.2 kilometers naman ang inilakbay ng lava mula sa bunganga ng bulkan patungong dalisdis nito.
Napansin din ng PHIVOLCS ang bagong ‘pattern’ sa aktibidad ng Bulkang Mayon kung saan naglalabas ito ng lava at abo kada apat (4) hanggang limang (5) oras sa buong araw.
Ayon sa PHIVOLCS, posibleng nagre-recharge ang Bulkang Mayon sa tuwing nanahimik ito sa pagitan ng apat hanggang limang oras.
Gayunman, paglilinaw ng PHIVOLCS hindi naman ito nangangahulugan na hindi na magkakaroon ng mas malakas na pagputok ang bulkan.
Dagdag pa ng PHIVOLCS na nananatili pa ring namamaga ang dalisdis ng Bulkang Mayon kaya magpapatuloy pa rin ang pag-aalburuto nito.