Handang putulin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipag-kaibigan sa mga bansang aabuso sa mga Overseas Filipino Workers o OFW gaya ng Kuwait.
Tanging paki-usap ng Pangulo sa mga dayuhang employer na tratuhin nang may dignidad at huwag abusuhin ang mga manggagawang Pinoy abroad.
Sa kanyang arrival speech mula India, iginiit ng Pangulo na handa niyang pauwiin sa Pilipinas ang mga OFWs at isakripisyo ang malaking ambag ng mga ito sa ekonomiya ng bansa kung hindi naman ito tinatrato ng ayos sa ibang bansa.
Binigyang diin ng Pangulo na bukas naman ang China para tumanggap ng mga manggagawang Pinoy.
Samantala, binigyang diin ng Pangulo na hindi aniya siya gaya ng mga nagdaang Pangulo na nanahimik na lang sa kalagayan ng ating mga kababayan sa ibayong dagat.
‘Kuwait’
Pinabulaanan naman ng isang mataas na opisyal ng Kuwaiti government ang alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinagmamalupitan ang mga Filipino sa kanilang bansa.
Ayon kay deputy Foreign Minister Khaled Al-Jarallah, nakakalungkot ang pahayag ng Pangulo kaugnay ng kalagayan ng mga Pinoy sa Kuwait.
Giit ni Al-Jarallah, nanawagan na ang kanilang foreign ministry sa Philippine authorities na maglatag ng ebidensya pero wala umano itong maipakita.
Binigyang diin pa ng opisyal na salungat sa paratang ni Pangulong Duterte ang pananatili ng halos tatlong daang libong (300,000) Pinoy sa kanilang bansa.
—-