Itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kamay siya sa pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa Mamasapano incident na ikinasawi ng apatnapu’t apat (44) na miyembro ng Special Action Force o SAF noong 2015.
Sa kanyang arrival speech mula sa India, iginiit ni Pangulong Duterte, hindi niya istilo ang pagsasampa ng kaso sa kanyang mga sinundan sa tungkulin at sa kanyang mga kritiko.
Binawi rin ng Pangulo ang nauna niyang testimonya na bubuo siya ng isang komisyon na magiimbestiga sa Mamasapano incident.
Gayunman iginiit ng Pangulo na marami pang dapat alamin sa pangyayari lalo’t tila napabayaan ang mga SAF commandos na tumugis sa Malaysian terrorist na si Marwan.
‘on NPA, Joma Sison’
Samantala, muling inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kautusan na tuluyang puksain ang New People’s Army o NPA.
Sa kanyang arrival speech mula sa India, sinabi ng Pangulo na hinihintay na lamang niya ang desisyon ng korte kaugnay ng kahilingang ligal na ideklara ang CCP-NPA bilang terorista.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, tuluyan nang natapos ang usapang pangkapayapaan.
Kasabay nito muli ring binanatan ni Pangulong Duterte si CPP Founder Jose Maria Sison dahil sa panloloko sa mga Lumad para lamang sumama sa rebeldeng grupo na wala nang idelohiya.
Binalaan din ni Pangulong Duterte na isusunod ang mga kumpanyang patuloy na nagbibigay ng mga revolutionary taxes sa NPA.
—-